PAHAYAG ng Timuay Justice and Governance sa ika-28 taong pagtanggap sa sinulat na Katutubong Balangkas/Istruktura ng Pamamahala at Katutubong mga Batas
BUKAS NA PAHAYAG NG SENTRONG PAMUNUAN NG KËSËFANANGGUWIT TIMUAY, KILALA BILANG TIMUAY JUSTICE AND GOVERNANCE (TJG) KASABAY NG IKA-28 TAONG ANIBERSARYO NG PAGTANGGAP NG KOMUNIDAD SA NAKASULAT NA KATUTUBONG BALANGKAS/ISTRUKTURA NG PAMAMAHALA AT KATUTUBONG MGA BATAS NG TËDURAY AT LAMBANGIAN
Ngayong àraw na ito, ika-4 ng Oktubre, 2023, ipagdiriwang ng komunidad ng mga Tëduray at Lambangian ang ika-28 taong anibersaryo ng kanilang pagtanggap sa sinulat na Katutubong Balangkas/Istruktura ng Pamamahala at Katutubong mga Batas ng Tëduray at Lambangian sa Timog-Gitnang Mindanaw.
Dati ay pinatutupad ito ng "oral" ng mga nabanggit na Katutubong Mamamayan. simula pa noong panahon na hindi pa dumating ang mga dayuhang mananakop na nagdala ng naiibang kaisipan sa isla na tinawag nilang Pilipinas.
Kasabay ng pagdiriwang na ito, humihingi ng pang-unawa ang sentrong pamunuan ng TJG sa pagpahayag at paglalahad nito sa tunay na kalagayan ng mga Tëduray at Lambangian sa loob ng sarili nilang lupaing ninuno hanggang sa kasalukuyan.
Noong una ay malaya at mapayapa ang komunidad ng mga nabanggit na Katutubong Mamamayan sapagkat hindi ito nalusob ng mga dayuhan.
Subalit, unti-unting nagbago ang kanilang kalagayan dahil sa konsepto ng "divide and rule" tactic na pina-iiral ng mga dayuhan, ginamit ang kapwa mga Katutubo mula sa Luzon at Visayas upang makapasok sa lupain ng mga Katutubo sa Mindanaw, kabilang na ang pag-aari ng mga Tëduray at Lambangian.
Ang kalagayang ito ay nakita ng iilang mga prominenteng personalidad sa sentro ng pamamahala ng ating bansa ang kalunos lunos na kalagayan ng mga Katutubong Mamamayan sa loob ng kani-kanilang sariling mga Lupaing Ninuno.
Dahil dito, sa pagbalangkas at pagbuo ng mga Commissioner ng Constitutional Commission ng bagong Saligang Batas noong 1986 ay nailagay sa tatlong (3) Artikulo at apat na (4) Seksyon ng 1987 Philippine Constitution ang pagkilala, paggalang at pagprotekta sa mga karapatan ng mga Katutubong Pamayanan/Mamamayan sa buong Pilipinas.
Ngunit, sampung [10) taon pa matapos maaprubahan ng mga Pilipino ang Constitution ay siya namang pag-apruba ng dalawang (2) Kapulungan ng Kongreso sa Republic Act 8371, kilala bilang Indigenous Peoples Rights Act of 1997 (IPRA). Ito ay batay sa mga probisyon sa 1987 Philippine Constitution.
Tanging sa panahon ni yumaong Pangulong Fidel Valdez Ramos na-aprubahan ang IPRA dahil isa sa mga Flagship Program ng kanyang pamahalaan ang pagkilala, paggalang at pagprotekta sa mga karapatan ng mga Katutubong Mamamayan sa buong Pilipinas, kabilang na ang mga Tëduray at Lambangian.
Ang IPRA ay "landmark legislation" para sa mga Katutubong Mamamayan upang ituwid ang mga "historical insjustices" na natamo ng mga ito sa nakalipas na mga dekada o marahil ay siglo.
Nagkaroon pa ng Republic Act 11054, kilala bilang Bangsamoro Organic Law (BOL) na may mga probisyon na kumilala, gumagalang at nagprotekta sa karapatan ng mga Tëduray at Lambangian, subalit hanggang ngayon ay wala pang batas na magpapatupad sa mga probisyon sa BOL
Gayon pa man, bagamat may mga batas na kumilala, gumagalang at nagprotekta sa apat (4) na kalupunan ng karapatan ng mga Katutubo, kabilang na ang Sariling Pamumuno, lalong tumindi na rin ang hindi kaaya-ayang kalagayan ng mga Tëduray at Lambangian sa loob ng kanilang lupaing ninuno dahil sa nadagdag na antas ng pamamahala simula noong 1989 ng unang naitatag ang Autonomous Region in Muslim MindaNao (ARMM) hanggang sa kasalukuyang bagong sistema ng pamamahala, ang Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) na kung saan sila ay napapaloob dito.
Lalong lumawak at tumindi ang kawalan ng paggalang, pagpapahalaga at pagyurak sa kanilang kolektibo at karapatang pantao na walang hustisya ang naibibigay sa kanila.
Lumawak at tumindi ang mga pag-salakay, paglusob at pag-agaw sa kanilang komunidad sa loob ng sarili nilang lupaing ninuno. Ang matintindi at malawak na pagsalakay at paglusob ay nagsimula noon pang 1996 ng bigla na lang dumating ang grupo ng mga rebolusyonaryong Moro sa sagradong Firis Complex, ang sabi nila ay hiramin lang ang lugar habang may giyera pa sa pagitan nila at kasundaluhan ng pamahalaan ng Pilipinas. Kanila daw ibabalik kung tapos na ang giyera. Subalit kalaunan ay dineklara nila ang lugar na kampo at tinanggap naman ng pamahalaan noong nagsimula ang usapang pangkapayapaan sa panahon ni dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo. Ngunit ngayon tapos na ang giyera, sa halip na ibalik ang lugar sa mga Tëduray at Lambangian ay lalo pa nilang inokopa ang mga lupa.
Paulit ulit na sinasalakay ang mga Tëduray sa kanilang mga komunidad hanggang lumisan na ang mga ito dahil hindi na makayanan. Ang insidenteng ito ay nangyari sa Sitio Fute, Ahan, Guindulungan, Maguindanao del Sur dahil pilit na inagaw ang mga lupa na sinasaka ng mga magsasakang Tëduray at Lambangin na puno ng tanim na mga niyog at saging. Ang nakikinabang ngayon sa bunga ng mga pananim ay ang mga umagaw ng lugar. Nangyari ito noong 2015 pa. Sinalakay at nilusob din ang Sitio Makun na sakop ng isang barangay sa Datu Hoffer, Maguindanao del Sur noong 2018 at sinunog ang mga kabahayan, lumikas ang mahigit 60 pamilya.
Ang mga panibagong pagsalakay at paglusob ay nagsimula noong kasagsagan ng "lockdown" sa Covid 19 hanggang sa kasalukuyan. Unang nangyari ang pagsalakay at paglusob sa mga Sitio ng Bgy. Kuya ng ilang beses, Sitio Bahar, Bgy. Pandan ng ilang beses Sitio Manguda, Bgy. Itaw ng ilang beses, Bgy. Lamud ng ilang beses at ang bago ay mga sitio ng Bgy. Biarong nitong mga unang linggo ng buwan ng Setyembre. Lahat ng mga lugar na ito sa ilalim ng Bayan ng South Upi, Maguindanao del Sur.
Naganap din ang pagsalakay at paglusob sa ilang Sitio ng ilang barangay ng Talayan, Maguindanao del Sur noong mga unang linggo ng buwan ng Setyembre, 2023.
Naganap din ang paglusob at pagsalakay sa iilang barangay ng Datu Hoffer simula 2021 hanggang sa kasalukuyan. Naganap din ang pagsalakay sa Bgy. Saniag Maguinadanao del Sur. Ang pinakabagong pagsalakay at paglusob ay naganap sa Sitio Tubaran, Labungan, Datu Odin Sinsuat Maguindanao del Norte nitong huling linggo ng Setyembre na kung saan ay lumikas ang mahigit kumulang 50 pamilya. Tinangay ang kanilang mga hayop at kagamitan sa tahanan. Ang tanging nadala nila ay kanilang mga suot dahil sa biglaang paglisan sanhi ng takot dahil pinagbabaril ang kanilang mga tahanan.
Ang lahat ng mga pagsalakay at paglusob na ito ay nangyari sa kasarapan ng tulog ng mga tao at kadalasan ay tinataon sa kasagsagan ng pag-aani ng palay kataasan, mais at iva pang produkto. Ito ang isa sa sanhi kung bakit nanatiling dukha at mangmang ang mga Tëduray at Lambangian.
.
Dagdag na problemang kinakaharap ng mga Tëduray at Lambangian ay ang patuloy na banta ng iligal na pagmimina sa ilang barangay ng Upi, South Upi at ilang lugar ng mga Katutubong Mamamayan sa loob ng kanilang pinag-isang Lupaing Ninuno.
Isa pang problema ng mga Tëduray at Lambangian ay mga proyektong pangkaunlaran na isasagawa sa loob ng Lupaing Ninuno na walang malinaw na pahintulot mula sa kanila at pilit silang ilipat ng tirahan.
Dagdag paring problema ng mga ito ay patuloy na banta ng pagsira sa Katutubong Balangkas/Istruktura ng Pamamahalang TJG at kanilang mga Katutubong Batas na kung saan ay binigyan na ng pagkilala ng Pambansang National sa pamamagitan ng NCIP, batay sa probisyon ng IPRA.
Ang una unang sumisira nito ay mga opisyal at empleyado ng ahensya ng pamahalaan na may mandato sa pagsulong sa pagkilala, paggalang at pagprotekta sa karapatan ng mga Katutubo sa rehiyon ng BARMM. Ang mga taong ito na rin ang patuloy at walang himpay na nag-uudyok at nagpaparatang sa mga lider (Baglalan) at sumusunod sa TJG na kasapi ng Komunista.
Ngunit, hindi na nagimbal at natinag ang sentrong pamunuan ng TJG sa ganitong usapin sapagkat wala namang katotohanan.
Kung ang pamahalaan ng Pilipinas ay gustong agawin ng mga teroristang grupo, gayon din ang TJG, gustong agawin ng mga nagpaparatang na kasapi ng tinaguriang Komunistang grupo ang mga namumuno at tagasunod ng TJG. Marahil sila ang tunay na teroristang grupo laban sa TJG.
Isa pang kinakaharap ng TJG ay kulang ang pagtanggap pagpapahalaga at paniwala ng mayorya ng mga Tëduray at Lambangian sa Katutubong sistema ng pamamahala, marahil hindi nila maisapuso ang kahalagahan nito dahil karamihan ay kolonyal na ang kaisipan. Mas mahalaga at matimbang sa kanila ang mga "People's Organization".
Dahil dito, nananawagan ang Sentrong Pamunuan ng TJG sa mga otoridad na bigyang pansin naman ang kalunos lunos na kalagayan ng mga Tëduray at Lambangian. Hindi nila alam kung kaninong kamay ang makakaabot ng tulong sa kanila, maliban lamang sa Kamay ng Diyos, ang Dakilang Lumikha.
Maligayang ika-28 taong pagdiriwang ng Anibersaryo ng pagtanggap ng komunidad sa nasulat na Balangkas/Istruktura ng TJG at Katutubong Batas ng Tëduray at Lambangian ngayong araw ng Oktubre 4, 2023.
Maligayang pagdiriwang ng Buwan ng mga Katutubong Mamamayan ng Pilipinas sa buong buwan ng Oktubre 2023.
Maligayang ika-26 na taong pagdiriwang ng Anlbersaryo ng RA 8371 o IPRA sa ika-29 ng Oktubre.
Maligayang ika-¹7 taong pagdiriwang ng Pambansang "Thanksgiving Day" ng mga Katutubong Mamamayan sa ika-29 ng Oktubre
Maligayang pagdiriwang ng IPs Holuday sa ,Bayan ng Upi, Maguindanao Del Norte sa ika-29 ng Oktubre batay sa Municipal Ordinance
Fiyo Bagi, Mëuyag!
LETICIO L. DATUWATA
Timuay Labi
Mobile # 09559473173
Comments
Post a Comment