Source: ARMM, BARMM and Beyond: Karapatan sa Sariling Pagpapasya at Karapatan sa Lupaing Ninuno
ARMM, BARMM and Beyond: Karapatan sa Sariling Pagpapasya at Karapatan sa Lupaing Ninuno
Bago nagtapos ang taong 2018 ay opisyal na nagsimula ang kampanya para sa plebisito ng Bangsamoro Organic Law (BOL), ang batas na papalit sa Republic Act 9054 o ang nagtatag at nagpalawak pa sa Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM). Ang ARMM hanggang sa maging BOL ay bunga at ekspresyon ng pakikibakang Bangsamoro sa Karapatan sa Pagsasarili.
Ang pakikibaka sa Karapatan sa Sariling Pagpapasya ng Bangsamoro ay nagbuwis na ng daang libong buhay ng mga mujahiden at mga sibilyan at mga ari-arian. Kaya ang pagpasyang igiit ang karapatang ito sa Usapang Pangkapayapaan sa pagitan ng Rebolusyonaryong pwersa ng nakikibakang Moro bilang representante ng mga mamamayan nito at sa Pamahalaan ng Pilipinas ay malaking kaluwagan sa mga mamamayan at apektadong komunidad sa tuwing may kaguluhan.
Noong maagang bahagi ng dekada 70 ay pinangunahan ang pakikibakang ito ng Moro National Liberation Front sa pamumuno ni Nur Misuari na sa taong 1996 ay nakipag-kasundo sa Pamahalaan ng Pilipinas. Nabigyan ng pampolitikang awtonomiya ang pakikibakang ito sa mukha ng Autonomous Region in Muslim Mindanao at hindi ang hangad na hiwalay na bansa tulad ng mga naunang kahilingan. Dahil dito ay isang paksyon ng mga MNLF at nagpakilalang Moro Islamic Liberation Front ang kumalas at nagpatuloy ng pakikibaka. Pormal na nagpakilala ang MILF sa taong 1989 ngunit taong 1977 pa lang matapos ang 1976 Tripoli agreement na lumabnaw ang pakikibakang kasarinlan ay isa na itong paksyon sa loob ng MNLF. Ilang buwan matapos ang lagdaan ng pinal na kasunduan sa pagitan ng MNLF at GRP ay nagsimula naman ang prosesong pangkapayapaan sa pagitan ng MILF at GRP sa panahon ng dating Pangulong Fidel V. Ramos.
Ang Karapatan sa Sariling Pagpapasya o Right to Self-Determination (KSP/RSD) ay natural na karapatan ng isang mamayan upang malayang hubugin at pandayin ang pang-ekonomiya, pampolitika at pangkulturang kinabukasan. Ang lahat ng mga kilusang panlipunan, progresibo at kilusang uri ay marapat lamang na sumuporta sa pakikibakang ito. Ngunit, hindi natin kaligtaan na ang pakikibaka sa KSP/RSD ay isang pakikibaka ng lahat ng uri sa loob ng isang mamamayan kasama ang uring burgisya ng mismong mamamayan. Kaya, mahalagang seguraduhin at ipaglaban ang mga demokratikong karapatan ng mga mamamayan at masa ng mamamayang nakikikabaka sa KSP/RSD upang mas maging makabuluhan sa buhay nila ang pakikibakang ito.
Tulad na lamang halimbawa sa pakikibaka ng Bangsamoro sa Karapatan sa Sariling Pagpapasya (KSP/RSD) ay mas nakikita natin na mula sa uring burgisya ng mamamayang ito ang namumuno sa pakikibaka kahit mula pa noong MIM, MNLF at ngayon sa MILF. Kaya habang nagsusulong ng pampolitikang layunin na wakasan ang pang-aaping dinaranas ng maliit na bansa (Bangsamoro) laban sa malaking bansa (Pilipinas) mahalagang nailalatag at naseseguro din ang interes at partisipasyon ng mga karaniwang Moro, manggagawa, kababaihan, kabataan at maralita. Dahil kung hindi ito maisa-alang-alang habang nakikibaka laban sa pambansang pang-aapi ay papalitan lamang ito ng maka-uring pang-aapi sa loob ng mas maliit na lipunan tulad ng Bangsamoro.
Gayundin ang mga multi-sektoral at multi-people na mga kilusang panlipunan. Dapat ding habang isinusulong ang pakikibaka para sa mga batayang demokratikong karapatan at reporma sa ilalim ng buong lipunang Pilipinas ay isusulong din dapat nito ang particular na pakikibaka sa Sariling Pagpapasya ng mas maliliit na mga lipunan tulad na lamang ng Bangsamoro at Lumad.
Upang mas makabuluhan ang diwa ng Karapatan sa Sariling Pagpapasya ng isang lipunan o bansa ay tiyakin na nito ang naka-ugat sa demokratikong kahilingan/interes ng mga sector at komunidad sa loob ng saklaw na teritoryo at huwag magbunga ng panibagong tunggalian at uri ng pang-aapi.
Plebisito
Sa darating na Enero 21 at Pebrero 6, 2019 ay magaganap na ang plebisito para sa Bangsamoro Organic Law (RA 11054)o ang batas na pumalit sa Republic Act 9054 o Expanded Autonomous Region for Muslim Mindanao na rinatipika noong 2001.
Sa Plebisito ay kalahok ang Cotabato City, Isabela City ng Basilan, anim na munisipyo ng Lanao del Norte, ang dati ng saklaw ng ARMM, 39 na mga Barangay sa North Cotabato at iba pang hindi bababa na 20 teritoryong nais lumahok ayon sa batas.
Marapat na tiyakin ng Bangsamoro, MILF, Pamahalaan ng Pilipinas, LGUs at mga ahensya na maging patas, ligtas, malaya, malinis at demokratiko ang mga prosesong ito at kilalanin ang mga katunggaling pananaw.
Ang Karapatan sa Lupaing Ninuno
Dahil sa mga aral na natutunan sa karanasan sa usapang pangkapayapaan sa pagitan ng MNLF at GRP ay nagpasya ang mga Lumad na aktibong lumahok sa proseso at hayagang isulong ang mga karapatan nito. Sa GRP-MNLF final peace agreement kasi ay walang maliwanag na probisyon sa RA 6734 at RA 9054 na tiyakin ang karapatan ng mga Lumad sa loob ng ARMM. Ang RA 9054 ay naging batas taong 2001 at ang IPRA ay naisabatas taong 1997 ngunit wala sa RA 9054 ang IPRA at lalo na sa pagpapatupad nito.
Malaking usapin ang Ancestral Domain Claim ng tribu dahil walang batas sa llob ng ARMM na tungtungan ng kanilang pakikibaka. Dagdag pa nito ay ang mga deklaradong kampo ng MNLF-BAF at maging iba pang gubat sa loob ng Ancestral Domain Claim ng Teduray, Lambangian at Dulangan Manobo ay isinama sa reward ng mga nagsipagsukong mga Kumander sa pamamagitan ng Integrated Forest Management Agreement (IFMA) nang walang paghingi ng pahintulot o konsultasyon sa mga Tribu.
Bilang mamamayan, ang Lumad ay pangkat naman ng mga mamamayang gumigiit din ng kanilang Karapatan sa Sariling Pagpapasya. Mga mamamayang may sariling pampolitika, pang-ekonomiya, panghustisya at pangkulturang Sistema bago pa man ang pagdating ng Islam, Katolisismo at konsepto ng mga bansa sa kasaysayan ng tinatawag ngayong Pilipinas.
Sa loob ng teritoryong dinedeklarang saklaw ng Bangsamoro ay may mga pangka-etnikong nasa loob nito – ang Teduray, Lambangian, Dulangan Manobo, Bláan at Higaonon. Sa lima ay mas kilala ang Teduray at Lambangian na may sariling istrukturang pamamahala at panghustisya na tinatawag na Timuay Justice and Governance o Sistemang Timuay maging ganoon din ang Dulangan Manobo. Ang mga teritoryo o Lupaing Ninuno ng mga tribung ito lalo nan g Teduray at Lambangian ay nasa loob mismo ng probinsya ng Maguindanao na sumasaklaw ng 11 na munisipyo. Isa din sa mga tribong may teritoryong nais ding saklawin ng Bangsamoro lalo na sa ilan sa 39 na barangay sa North Cotabato ay mula sa tribong Erumanen Ne Menuvu.
Dahil ang Bangsamoro ay usaping teritoryo, pamamahala at pagkakakilanlan mahalagang gawing malinaw din ito lalo na at ang Non-Moro Indigenous Peoples o Lumad sa loob ng panukalang Bangsamoro ay may mga sariling perspektiba din ng pampolitika, pagkakilanlan at pamamahala.
Pakikiisa at Pagsuporta
Sa perspektiba ng Pakikibaka sa Sariling Pagpapasya, nakailang ulit nan a nagpahayag ng pagsuporta ang mga Lumad sa karapatang ito ng Bangsamoro ngunit binibigyan din ng diin ng Lumad na kilalanin din ang kanilang pundamental sa karapatan sa Lupaing Ninuno.
Kaya, sa loob mismo ng prosesong pangkapayapaan sa pagitan ng GRP at MILF ay isinulong ng mga Lumad ang kanilang mga hinaing at suporta simula sa maagang bahagi ng 2000s.
Bumuhos din ang suporta ng iba’t-ibang mga kilusang pangkapayapaan sa pagsusulong ng ingklusibong kapayapaan at katiyakan ng pagkilala sa karapatan sa sariling pagpapasya ng Bangsamoro at lupaing ninuno ng mga Lumad.
Nitong mga huling bahagi ng proseso sa pagpanday ng Batas Bangsamoro ay mariin ding isinusulong sa loob ng Bangsamoro Transition Commission at sa mismong debate sa loob at labas ng Senado at Kongreso upang kilalanin sa anumang batas na gagabay sa bagong teritoryo ay kikilala sa buong karapatan ng Lumad na ang pinaka-minimum na batayan ay ang RA 8371 o Indigenous Peoples Rights Act.
Kaya, hindi totoong sabay sa byahe o joy rider lamang ang Lumad sa proseso maging ang mamamayang Migrante/Settler. Ilalim ito sa balangkas na pagsasaayos nang sabay sa pambansang pang-aapi at mga inhustiysang dinanas ng parehong maliliit na lipunang Moro at Lumad laban sa mas malaking lipunang Pilipinas.
Tagumpay at Patuloy na mga Hamon
Tagumpay naman na maituring ang mabanggit ang IPRA sa ipinasang BOL ng dalawang bahay-batasan ng Pilipinas at ang pagkilala sa karapatan sa pagmamay-ari ng mga mamamayang migrante.
Nakasaad sa BOL na kikilalanin ang Fusaka Inged ngunit hindi mabanggit banggit ang Lupaing Ninuno. Ngunit, para sa Lumad ito ay magkasing-kahulugan at ang kasalukuyang proseso ng Ancestral Domain DELIENATION ay mapapatatag at mapapabilis ng pagkilalang ito.
Nakasaad sa BOL na itatatag ang isang Unibersidad para sa mga Lumad na dati nang nabanggit sa RA 9054 na hindi naman naipatupad. Positibo naming maisakatuparan ito sa bagong instrument.
Nakasaad sa BOL na itatayo ang isang Ministry of Indigenous People Affairs. Isa itong positibong kaunlaran na ang isang tanggapang tututok sa mga usaping Lumad at mga nakasaad sa batas ay maipatupad.
Nakasaad din sa BOL na may dalawang reserbang upuan sa loob ng Parliyamento ng Bangsamoro para sa Lumad bahagi ng 10% para sa sektoral na representasyon. Mahalagang oportunidad ito para sa mga Lumad upang direktang magsulong sa adyendang Lumad sa loob ng Parliyamento.
Matitiyak ang mga oportunidad at tagumpay na ito kung maging maliwanag ang detalye. Madali ang maisulat ang mga ito sa papel o batas ngunit ang maisakatuparan ito at magkaroon ng mga batas na magpapatupad nito sa loob ng Bangsamoro ay iba pang usapin.
Mahalagang matiyak ng Bangsamoro o ng MILF at ng Pamahalaan ng Pilipinas na ang katiyakan ng Karapatan sa Sariling Pagpapasya o pagpapatupad ng Bangsamoro ay huwag din maglagay sa karapatan sa pagmamay-ari at mga Karapatan ng Lumad na nakasaad sa BOL.
Mahagang tiyak na bigyang pansin din ng Bangsamoro-MILF, Pamahalaan ng Pilipinas, mga LGUs, mga Ahensya ng Pamahalaan ang mga kaso ng pang-aaresto at pamamaslang sa mga lider-katutubo at mga kaso ng land-grabbing sa loob ng Ancestral Domain ng mga Lumad at Migranteng Komunidad.
Mahalagang matiyak ng Bangsamoro, MILF, Pamahalaan ng Pilipinas na ang nakasaad na reserbang upuan sa Bangsamoro Parliament para sa Lumad ay malayang pilipiin ng mismong mga Lumad ayon sa umiiral na Indigenous Political Structure.
Mahalagang tiyakin din na ang karanasan sa ARMM na iilan lamang ang nakikinabang sa politika at ekonomiya. Ibig sabihin nito ay tiyaking ang karaniwan at pamayanang Bangsamoro at Moro ang substansyal na makinabang sa bagong political entity na ito.
Ang AWTONOMIYA sa LOOB ng BARMM
Batay sa nakasaad sa BOL na kikilalanin nito ang IPRA at iba pang mga karapatan para sa kapakanan at kagalingan ng mga NMIP at sa political na katotohanang may karapatan din sa sariling pamamahala ang mga NMIP ay isang political din na dapat mapagkasunduan ang mailatag.
Minsan nang binanggit ng NMIP ang sistemang Autonomy within autonomy. Ito ay upang parehong mabigyan ng kongkretong mukha ang pagkakaisa ng pagkakaiba ng mga Bangsamoro at NonMoro IPs sa iisang teritoryo. Hindi na binanggit ng NMIP na humiwalay pa sa teritoryong Bangsamoro ngunit upang magkaroon ng katiyakan ang kanilang Karapatan sa Sariling Pamamahala ay nakita ang kongkretong pampolitika na opsyong ito.
Isang political na adyenda itong mainam na maisulong sa loob ng Bangsamoro at mas bigyang diin ng NMIP sa lahat na aspeto ng pagsusulong ng kanilang Karapatan habang sinusuportahan ang pakikibaka sa Sariling Pagpapasya ng Bangsamoro.
IIsa ngunit magkaiba. Magkaiba ngunit iisa.
MAHALAGA pa ring mas palakasin pa ang pagkakaisa ng tatlong mamamayan sa kasalukuyan at gawing mas kapakipakinabang sa mga maralita, manggagawa, kababaehan, mangingisda, may kapansanan, magsasaka at karaniwang Moro, Lumad at Migranteng mamamayan ang Katuparan sa bawat Karapatan sa Sariling Pagpapasya. Tiyakin nating lahat na ang kaunlarang hatid ng Bangsamoro ay hindi wawasak sa ating kalikasan at mga buhay. Tiyakin nating lahat na ang politikang maghahari sa Bangsamoro ay sentrong magpapalakas sa demokrasya, partisipasyon, representasyon, katapatan at hindi ng mga dinastiya at iilan lamang. Tiyakin nating mamayani ang makatarungang kapayapaan sa ating mga komunidad.
Mahalaga ding sisirin ng mga Morong rebelde, civil society at buong Mamamayang Moro kung paano mas muling pag-usapang substansyal ang ugnayan ng mga pangkat etniko sa isa’t-isa na muling nangingibabaw ngayon sa halip na mas palakasin ang pampolitikang pagkakakilanlan. Bakit ngayon ay debate sa loob mismo ng mga mamamayan ang pagtanggap ng BANGSAMORO bilang political identity at sa halip ay mas piniling makilala sa mga pangkat etniko?
Mahalagang masuri ng mga komunidad at karaniwang Mamamayang Moro kung sa mga tagumpay at limitasyon ng pakikibaka para sa Karapatan sa Sariling Pagpapasya ay ano nga ba ang kani-kanilang natamo at partisipasyon. Magsisilbing tungtungan ang pagsusuring ito sa pagpapatatag ng bagong pampolitikang ekspresyon ng Karapatan sa Sariling Pagpapasya.
Mahaga ring maipaunawa o matukoy kung ang Karapatan sa Sariling Pagpapasya ba na pakikibaka ng Mamamayang Moro ay ang pananampalatayang Islam o ang relasyong pang-aapi bilang mamamayan. Kahit pa sabihing integral ang relihiyon o pananampalataya sa pamayanang Moro at pakikibaka nito ay aralin pa rin nang husto dahil ang Karapatan sa Sariling Pagpapasya ay lampas sa usaping panrelihiyon…
At ang kasaysayang ating mahalagang balikan ay ang yugtong bago pa man dumaong sa mga kapuluang tinatawag na Mindanao at Pilipinas ang mga misyonaryo ng Islam. May andito na pala bago pa man ang lahat…
Mary Freeda Pueblos' fb cover photo |
Comments
Post a Comment