Ang Tuduk Merawir at ang Pagsibol ng Tribung LAMBANGIAN

 Source: TeduRise Tuduk Merawir at ang Pagsibol ng Tribung Lambangian

 

Marahil malaking palaisipan sa inyo kung kailan at saan nagmula ang Lambangian. Malaki ang naging papel ng Tuduk Mërawir sa pagkabuo nito. Tunghayan ang kwento.
 
Ang Lambangian ay isang tribo na ang pinagmulan ay resulta ng makasaysayang digmaan sa pagitan ng Tribong Tëduray at Dulangan Manobo ilang daang taon na ang nakararaan sa noo’y Datar Binusugan na ngayon ay kilala na bilang Barangay Villamonte sa bayan ng Lebak, Sultan Kudarat. Ang labanang iyon ay dulot ng pagdakip sa isang Dulangan Manobo, na mahusay manguha ng nektar (mëgëtënë), ng grupo ng mga Tëduray at ibinenta sa mga Maguindanaon na siya namang ginawang alipin.
 
Ang nasabing labanan ay tumagal ng sampung anihan, na katumbas ng sampong taon. Ang mga mandirigmang Tëduray ay nagmula sa Bantëk, Sënigang at Balalaën, habang ang mga Dulangan Manobo naman ay nanggaling sa mga lugar na Buyaan, Mërawir, at dakong itaas ng Tran. Maraming namatay at nasugatan sa hanay ng magkabilang grupo. Natigil lamang ang kaguluhan ng magkaroon ng mahabang tagtuyot na tinawag na “lënggob” na nagdala ng matinding krisis sa pagkain at tubig sa loob ng mahigit tatlong taon. Noong mga panahong iyon, ang tanging lugar na hindi nakukulangan ng pagkain ay ang Tuduk Mërawir, na tahanan ni Datu Midtu ng Dulangan Manobo.
 
Nang mapag-alaman ito ng mga Tëduray, isang pinuno ng mga ito at kanyang pamilya ang nagtangkang tawirin ang lugar na pinangyarihan ng labanan mula Binusugan hanggang Mërawir upang maghanap ng makakain. Sa kabutihang palad, maayos na nakarating ang mga ito kaya’t naipaliwanag ng pinuno ng mga Tëduray kay Datu Midtu ang masasamang epekto ng digmaan at lënggob. Napagtanto ng dalawang pinuno na pinarurusahan sila ng Diyos dahil sa kanilang awayan kaya’t napagpasiyahan nilang itigil na ito, ngunit hiniling ni Datu Midtu na ipakasal sa anak ng pinuno ng mga Tëduray.
 
Pagkalipas ng tagtuyot, ang pinuno ng mga Tëduray ay bumalik sa kanyang lugar, dala ang iba'tri bang similya ng mag pananim. Lubos ang pagkabigla ng kanyang mga kasamahan dahil inakala nilang pinaslang na siya at ng kanyang pamilya ng mga kaaway na Dulangan Manobo. Nang mapag-alamang buhay pa ito at napasok ang teritoryo ng mga Dulangan Manobo, siya ay hinirang na Datu Dikalawahan, na ang ibig sabihin ay katas-taasang datu.
 
Mula noon, isang pag-uusap ang naganap sa pinangyarihan ng digmaan na ang tawag ay Binusugan, na ang kahulugan sa Dulangan Manobo ay “battle field” gamit ang pana. Sa pag-uusap na iyon, napagkasunduan ng magkabilang grupo na itigil na ang gulo at nangakong hindi na muling magaganap ito. Sa halip, pananatilihin ang “8 friendly relationships”. Ang kasunduan ay sinelyuhan sa pamamagitan ng “intermarriage” ng apat na babae at lalaki mula kapwa sa Tëduray at Dulangan Manobo.
 
Ito ay pinagtibay sa pamamagitan ng ritwal at panalangin na ang magiging supling ng mga bagong kasal ay tatawaging LAMBANGIAN, ang pinagsamang lahi ng Tëduray at Dulangan Manobo.
 
Kung mayroon mang lalabag sa kasunduan, ang Lambangian ay pipira-pirasuhin tanda na ang kasunduan ay walang bisa.
----
Retrieved from the written accounts of Timuay Alim Bandara, TLADC Head Claimant

Posted by TeduRuse on September 20, 2020

Comments