Lupa, Pagkain, at Kabuhayan, Hindi CHA-CHA ng Iilan! - LILAK

Ang pekeng People’s Initiative na ginagamit ng mga pulitiko para padulasin ang proseso ng Charter Change ay isang pagbabalahura sa ating demokrasya — demokrasya na pinaglaban ng mamamayang Pilipino sa ilalim ng mapanupil na diktaduryang Marcos. Ngayong araw na ating ginugunita ang ika-38 anibersaryo ng EDSA People Power Revolution na siyang nagpatalsik kay Marcos Sr. sa Malacañang, sama-sama nating biguin ang kagustuhan ni Marcos Jr. na muling magpasasa sa kapangyarihan sa pamamagitan ng CHA-CHA.
 
Ilang administrasyon na ang nagtangkang amyendahin ang 1987 Saligang Batas matapos ang martial law sa ating bansa. Sa administrasyon nina Ramos, Estrada, Arroyo, at Duterte, ginamit na ang CHA-CHA upang subukang rebisahin o amyendahan ang ating Konstitusyon. Iba iba ang kanilang rason ngunit pare-pareho ang laging bitbit na pangako – ang mapabuti ang buhay ng mamamayang Pilipino.
 
Sa panahon ngayon ni Marcos Jr., ginagamit ang proseso ng People's Initiative upang ipakitang ang panawagan ay nagmumula sa mamamayan. Sinusubukang padulasin ng kaisa-isang panukala ng People’s Initiative — ang “voting jointly” ng Senado at House of Representatives.
 
Ang ganitong panukalang baguhin ang sistema ng bicameral ay pagsasantabi ng demokratikong proseso sa bansa at ang checks and balances na siyang nakasaad sa Konstitusyon, at sinisiguro na ang interes ng mga makapangyarihan sa Kongreso ang mananaig. Kongreso na pinamumugaran ng mga pulitkong alyado ng Presidente at Bise Presidente.
 
Dinadahilan ang ‘di umano’y mahigpit nating batas pang-ekonomiya upang igiit ang pangangailangan para sa unicameral na sistema sa constitutional reform. Nakaabang na sa Kongreso ang Resolution of Both Houses No. 6 (RBH 6) na naglalayong papasukin ang 100% foreign ownership ng mga pampublikong serbisyo, pati na rin ang edukasyon. Hinihintay na lamang nito ang tagumpay ng pekeng People’s Initiative.
 
Ang kwestyunableng People’s Initiative na agad na nakalikom ng 12% na pirma sa loob lamang ng ilang linggo. People’s Initiative na batay sa ulat ng aming community partners ay sinabay sa bigayan ng ayuda at iba pang serbisyo, at walang maayos na pagpapaunawa kung ano na ang pinipirmahan ng mga mamamayan. People’s Initiative na huwad at walang sapat na basehan.
 
Ngunit hindi na dapat tayo magpaloko. Katulad ng gawain ng diktador na ama ng kasalukuyang pangulo at ng kanilang buong angkan, ang mga galaw na ito ay tahasang panloloko, panggugulang, at pagnanakaw.
Alam ng taumbayan ang sagot sa ating kahirapan, kagutuman, at kawalan ng kabuhayan. Hindi CHA-CHA ang solusyon upang tugunan ang ating kinasasadlakan. Ang CHA-CHA ay bagkus nagsusulong ng interes ng iilan, upang lalo pang magpakasasa at manatili sa kapangyarihan. Ito ay habang palubog nang palubog ang mga Pilipino sa kahirapan. Habang palala nang palala ang karahasan sa mga bulnerableng komunidad gaya ng mga katutubo.
 
Ang dapat baguhin ay hindi ang Konstitusyon, kundi ang klase ng kaunlaran na pinapatupad ng ating gobyerno — mga dambuhalang proyekto na winawasak ang ating kalikasan, na umuubos sa ating likas yaman, sinisira ang kabuhayan ng mga komunidad at ang produksyon ng ating pagkain; mga proyekto na ang nakikinaban ay mga ganid at dambuhalang korporasyon at ang mga kasabwat sa gobyerno.
 
Dapat baguhin ang pagtingin sa mga katutubo, sa mga nagtatanggol ng lupaing ninuno, at mga karapatang pantao na sila ay kaaway, at panggulo sa lipunan.
 
Ang solusyon sa ating kahirapan ay ang pagpapatupad ng kaunlarang nakabatay sa pangngailangan ng mamamayan, pagbibigay suporta sa paggawa ng pagkain at paglinang ng ating likas yaman, at ang pagtanggap na ang mga komunidad — ang mga mamamayan, ay kabilang at kalahok sa pagpapatupad ng tunay na kaunlaran.
 
Ang LILAK (Purple Action for Indigenous Women’s Rights), ay nakikiisa, tumitindig, at lumalaban kasama ang libo libong babae, katutubo at iba’t ibang sektor at komunidad, na nananawagang ang CHACHA ay tutulan. Mahigpit na panghawakan ang mga karapatan at demokrasya na naipanalo natin laban sa diktaduryang Marcos. Patuloy nating ipaglaban ang mga ito.
 
Katutubo, Kababaihan, Patuloy na Lalaban. CHA-CHA Tutuluan.

Comments