Sari-Saring Tanim, Sama-Samang Aanihin [Serye hinggil sa praktikang DIFS ng magsasakang MASIPAG]
Sa magsasakang MASIPAG, hindi dahilan ang hindi pagiging ideyal ng lupang sakahan upang tumigil sa pagtatanim at paglulubos-gamit nito. Likas na mapanuri at mapanuklas ang mga magsasaka at sa tuwina’y nakahahanap ng mga pamamaraan upang matugunan ang mga balakid sa produksyon; sa proseso ay naipamamalas nila ang kanilang pagiging siyentista.
Ang kakayahang ito ay matibay na batayan at naglalagay sa mga magsasaka sa posisyon upang pangunahan ang paglalatag ng mga angkop na mekanismo’t teknolihiya upang solusyunan suliranin sa produksyon. Sa gabay ng prinsipyo ng peasant science o ang siyensya ng magsasaka tungo sa magsasaka, na tanging alternatibo upang itaguyod ang kanilang karapatan habang sumusuporta sa likas-kayang pagsasaka, nailalagay ang mga magsasaka sa unahan at sentro ng pag-unlad. Itinatampok din nito ang lokal at katutubong kaalaman at napahuhusay ang ugnayan ng kultural at sosyo-ekonomikong konteksto.
Isa si Ricardo Camasa o mas kilala sa tawag na tatay Dodoy sa magsasakang MASIPAG mula sa Negros Occidental na masikhay at buong lakas na nagtataguyod ng peasant science. Taglay ang kaisipan at praktikang ibayong pinaunlad sa pagdaan ng panahon, nagawa niyang paunlarin ang dahilig at mabatong espasyo upang sakahin. Dahil dito ay tinatamasa niya at ng kaniyang pamilya ang benepisyo ng likas-kayang pagsasaka. Subok nang epektibo ang praktika ng daybersipikasyon sa sakahan ni tatay Dodoy; napaliliit nito ang risko ng impestasyon ng mapanirang insekto gayundin ang kawalan ng ani sa panahon ng tagtuyot o ‘di kaya naman ay malakas at tuloy-tuloy na pag-ulan. Dagdag pa, mula sa mga pananim at alagang hayop sa sakahang ito ang pinagmumulan ng mga gamit sa pagpapanatili ng sustansiya ng lupa at alterntibong pantaboy ng mga mapanirang insekto. Ang lahat ng ito ay nagbibigay-daan upang sustenableng makalikha ng sapat at ligtas na pagkain habang tinitiyak ang maliit na gastos sa produksyon.
Sama-sama nating alamin at kapulutan ng inspirasyon ang kwento ng tagumpay ni tatay Dodoy.
Larawan at Artikulo mula sa MASIPAG
Comments
Post a Comment