Janel Juaton, Kabataang Magsasaka at DIFS parctitioner - Masipag

Sari-Saring Tanim, Sama-Samang Aanihin [Serye hinggil sa praktikang DIFS ng magsasakang MASIPAG]

Malaking hamon sa pagkamit ng seguridad sa pagkain ang kasalukuyang kalagayan ng agrikultura, partikular sa papatandang edad ng mga magsasaka. Ayon sa datos ng SEARCA noong 2023, 55 hanggang 59 taong gulang ang average na edad ng mga magsasakang Pilipino. Sa tantya ng mga eksperto, ang Pilipinas ay inaasahang haharap sa kritikal na kakulangan ng mga magsasaka sa loob ng 10 hanggang 12 na taon. Nakababahala sapagkat kapansin-pansin ang maliit na porsyento ng bilang ng mga kabataang nais magsaka o maging magsasaka. Ito’y dulot ng walang katiyakang kabuhayan sa pagsasaka bunsod ng kakulangan sa suporta ng gobyerno sa sektor ng agrikultura; kaya naman mga magulang na rin mismo ang nagtutulak sa kanilang mga anak upang mamasukan na lamang sa lungsod o kaya’y mangibang bayan.
 
Sa kabila nito, nagsisilbing inspirasyon si Janel Juaton, isang kabataang magsasaka mula sa Megkawayan Integrated Farmer’s Associaton ng Calinan District, Davao City na patuloy na nagpapahusay bilang isang Diversified and Integrated Farming System o DIFS practitioner. Sa pamamagitan ng DIFS, nagagawa niyang mapaunlad ang kaniyang sakahan sa pamamagitan ng pagmamaksimisa ng lupa at mga komponente nito, dahilan upang mas mapaliit o mapababa ang kaniyang gastos sa produksyon at mas napapalaki ang ani at kita.
 
Buhay na patunay si Janel na ang patuloy na pag-usbong ng mga kabataang magsasaka ay mahalaga upang masegurong matatag ang sektor ng agrikultura. Sa pamamagitan ng sipag at tiyaga, sa kaniyang murang edad, ay naseseguro ni Janel ang maaasahang kabuhayan ng pamilya at ang paglikha ng sobrang produkto para sa dagdag na kita.
 
Ayon kay Janel, nais niyang mas paunlarin pa ang sakahan sa pamamagitan ng sistemang DIFS at ibukas ito bilang lunsaran ng mga pag-aaral para makahikayat pa ng maraming magsasaka at kabataang gustong matuto.
 
Halina’t sama-sama nating alamin ang kaniyang kwento, kung paano pinapanatili ni Janel ang kasaganahan sa sakahan.
 
 
 







Comments