Katutubong Kababaihan, sama-samang tumututol sa CHA-CHA - LILAK

Katutubong Kababaihan, sama-samang tumututol sa CHA-CHA

Ngayong ika-8 ng Marso, Pandaigdigang Araw ng Kababaihan, ating ipinagpupugay ang bawat babae, ano man ang edad, kasarian, pagkakakilanlan o katayuang panlipunan. Taon taon ay ipinagdiriwang natin ang araw na ito upang kilalanin ang mga kababaihan sa buong mundo. Ngunit, ito ay hindi lamang simpleng araw para sa kababaihan. Ito ay araw ng pag-alala, pagkilala, at pagpupugay sa kadakilaan ng lahat ng babae na nagbuwis ng buhay, nanindigan, at nag-angat sa boses, lugar, at katayuan ng kababaihan sa iba’t ibang espasyo.
 
Ito ay araw kung saan nananatiling buhay sa diwa’t puso ng marami ang patuloy na diskriminasyon, pangmamaliit, pangaabuso, at panggagahasa, sa iba’t ibang hugis at porma na patuloy na nararanasan ng mga kababaihan, at katutubong kababaihan.
 
Ang LILAK (Purple Action for Indigenous Women’s Rights) kasama ang mga katutubong kababaihan ay nakikiisa sa paggunita ng araw na ito. Deka-dekada na ang pagtindig at pagposisyon laban sa pagkamkam ng likas yaman. Binabangga ng sama-samang lakas ng katutubong kababaihan ang mga dambuhalang korporasyon at mapanirang mga minahan at plantasyon. Mula noon hanggang ngayon, kumikilos kami upang singilin ang mga korporasyon at pulitikong makasarili at lulong sa kapangyarihan.
 
Nagtitipon-tipon kaming mga babae at katutubong kababaihan ngayong Marso upang tumindig laban sa mas agresibong pagkamkam ng lupaing ninuno at paglimas ng natitirang likas yaman sa pamamagitan ng pagbabago ng Konstitutsyon. Nilalayon na alisin ang mga probisyong nagsisilbing proteksyon sa pang-aabuso ng mga transnational corporations.
 
Ang administrasyong Marcos Jr., kagaya ng mga administrasyong nagdaan, ay masugid na nagtutulak ng kaunlaran na pumapabor sa mga korporasyon, at dumedepende sa dayuhan at pribadong sektor. Sa sistemang ito, katutubong kababaihan lagi ang lubos na napupuruhan bilang nangunguna sa paggawa ng pagkain, pati na rin sa pagprotekta’t pagtatanggol ng ating kalikasan, karapatan sa lupaing ninuno, karapatang pantao, at sariling pagpapasya.
 
Kahirapan, kagutuman, kawalang-kabuhayan, at karahasan—iyan ang dulot ng klase ng kaunlaran na ang pagtingin sa lupa, kalikasan, at likas yaman ay pawang pagkakakitaan lamang. Ang CHA-CHA ni Marcos Jr. ay magpapatindi sa pagbusabos sa mga katutubong komunidad, sa mga lupaing ninuno, at sa kalikasan. Palalalain lamang nito ang paglapastangan sa mga karapatang pantao at pagpapatahimik sa mga tagapagtanggol nito.
 
Kaming mga kababaihan ay hindi magpapatinag. Hindi kami magpapalinlang. Hindi kami iindak sa kumpas ng iilan. Pirmi ang aming tindig - labanan at tutulan ang CHA-CHA.
 
Sa kabila ng kahirapan, diskriminasyon, pananakot, at pagbabanta, patuloy ang aming paglaban nang sama-sama, pagpapakita ng aming pwersa, at pagpapatingkad ng aming mga boses. Buong tapang at buong puso, taglay ang pakikiisa at suporta ng aming mga kapwa at komunidad sa pagtutulak ng isang lipunang walang diskriminasyon, walang karahasan sa kababaihan, may pangangalaga sa ating kalikasan at likas yaman; at may pagkalinga sa bawat isa.
 
Panawagan ng katutubong kababaihan:
 
Lupa, pagkain, at kabuhayan—hindi korapsyon, hindi karahasan. Hindi CHA-CHA.

Comments