Larawan mula sa LILAK (Purple Action for Indigenous Women's Rights)
Makibaka! Lumaya!
Mabuhay lahat ng Mapagpalayang Kababaihan sa buong Mundo!
Hindi matatawaran ang makabuluhan at dakilang ambag ng Kababaihan sa pagsusulong ng Karapatang Pantao, Katarungang Panlipunan at Sustenabling Kinabukasan mula noon magpahanggang ngayon.
Marami na ring napagtagumpayang laban ang hanay ng Kababaihan sa Mundo, sa Pilipinas at Mindanao. Ngunit di pa rin maikukubli ang patuloy na pananamantala, pandarahas at pagyurak sa iba't-ibang porma at larangan laban sa Kababaihan. Dahil namamayagpag pa rin ang patriarkal at maka-iilang Sistema.
Ang maka-karahasang paghahari ng mga imperyalista at mapanamantalang bansa gaya ng Rusya, Israel, Amerika, Tsina at iba pa ay labis na nakakaapekto sa sektor. Ipinipilit ng mga makapangyarihang bansang ito o tulad nito ang interes nila at humantong sa pagkakalubog sa utang ng mga bansa at pagkawasak sa mga digmaan.
Ang pang-ekonomiko at pampolitikang paghahari ng mga Kapitalista at kakuntsabang politiko sa Pilipinas ay mas pagdarahop ang hatid nito sa mga Komunidad. Ang patuloy na pagsasalaula sa Kalikasan para sa ginansya at tubo ay nagdulot ng dislokasyon, gutom at sakuna sa mga pamayanan.
Sa mga paggawaan at pagpapasyang panlipunan, may representasyon man ngunit ang interes pa rin ng machismo at patriarkal na lipunan ang namamayani.
Ang patuloy na paglalako sa yamang likas ng bansa para sa mga dayuhang mangangapital sa halip na paunlaring may pagsasaalang-alang sa bansa at Kalikasan sa pamamagitan ng Charter Change ng mismong rehimeng Marcos Jr ay hayagang pagsantabi sa tunay na adyenda ng mga Mamamayan at Kababaihan. Apektado sa atakeng ito sa kasarinlan ay ang mga Lupaing Ninuno at pang-ekonomikong base ng mga maliliit na pamayanan.
Kagyat na gawain ay ang palakasin pa ang hanay at lampasan ang Krisis sa hanay ng mga Kilusang Panlipunan dulot ng karahasan, pananakot at pamamaslang laban sa mga aktibista, tanggol-karapatan at lider-komunidad.
Mula sa Alyansa ng mga Alyansa ng Mamamayan para sa Karapatang Pantao , mabuhay ang hanay ng Kababaihan!
Sa buwan at araw ng Kababaihan, humugot ng ibayong lakas at inspirasyon sa mga panalo at pangarap. Pagkilala at Pagdakila!
Mula Mindanao, Visayas, Luzon, Myanmar, Ukraine, Sudan, Palestine at buong mundo, Makibaka! Lumaya!
AMKP
Marso 4, 2024
Comments
Post a Comment