MPPM-MagCot Ayaw sa Charter Change


Karapatan at Kagalingan ng mga Mamamayan, HINDI Charter Change ang Kailangan!

Kami sa Mindanao Peoples’ Peace Movement - Maguindanao at Cotabato (MPPM-MagCot) cluster ay kasama sa mga kilusang panlipunan, simbahan at mga indibidwal sa loob at labas ng bansa na tumututol sa ipinapanukala ng mga mambabatas at ng mismong rehimeng BongBong Marcos,Jr. na Charter Change!

Kinikilala ng MPPM-MagCot na bunga ng pakikibaka para sa kalayaan ang 1987 na Konstitusyon sa pinagbuklod na lakas ng mga mamamayan sa buong Pilipinas upang bumalikwas hindi lang sa diktaduryang Marcos,Sr. kundi sa pangmamanipula, pangingialam at pang-aalipin ng mga dayuhang kapangyarihan. Sa loob ng 38 taon matapos ang diktaduryang Marcos,Sr. sa halip na bigyang diin ng mga sumunod na mga administrasyon ang pagpapatupad sa 1987 Konstitusyon ay mas ang pag-liberalisa sa ekonomiya at pagpapahina sa soberenya ng bansa ang inatupag at isinusulong. Ang mga administrasyong Ramos, Estrada, Arroyo, Duterte hanggang sa kasalukuyan ay agenda ng mga ito ang pagtanggal sa mga probisyon ng Konstitusyon na nagseseguro sa karapatan ng mga Pilipino sa ekonomiya nito.

Malinaw na ang pekeng People’s Initiative para sa Charter Change sa anumang interes (pang-ekonomiya o pampolitika) ay naglalayon lamang sa konsolidasyon ng kapangyarihang politikal at pang-ekonomiya ng iilan. Ginagamit nito ang kaunlaran upang lokohin at lituhin ang sambayanan.

Ang panukalang baguhin ang Konstitusyon upang bigyan ng 100% na pagmamay-ari ang mga dayuhang Kapitalista sa mga negosyo at serbisyo sa bansa ay tiyak na maghahamak sa mga Lupaing Ninuno ng mga Katutubo. Tiyak itong sasagarin para sa kapital at tubo. Ang pagkasira nito ay hindi lang harapang pagpatay sa mga Katutubo at mga mamamayang nabubuhay dito kundi tiyak ding makakadagdag pa sa pinsala at banta sa natitirang yaman ng bansa na makakatulong sana sa panangga sa banta ng mga kalamidad at gutom.

Naniniwala ang MPPM-MagCot na ang kawalang kaunlaran sa bansa ay hindi dahil sa Konstitusyon ng Pilipinas kundi dahil sa patuloy pa rin na pag-iral ng impyunidad, inhustisya at pagsantabi sa pangunahing karapatan at kapakanan ng mga magsasaka, mangingisda, manggagawa at mga mamamayan. Hindi ang Konstitusyon ng Pilipinas ang may problema kundi ang balangkas ng kaunlaran at pamamahalang mayroon ang bansa at mga liderato nito, ito ang dapat na baguhin. Ang kuntsabahan ng mga korporasyon (Kapitalista) sa lokal, dayuhan at mga politiko ang dapat na buwagin.

Naniniwala din kami na matingkad na mga dahilan kung bakit madalang ang pag-unlad ng bansa ay ang malawakang kurapsyon; pabago-bago at depende sa interes ng nauupong administrasyon na mga patakaran sa pamumuhunan; mahal na pangunahing serbisyo katulad ng elektrisidad, pangkalusugan at edukasyon; mahinang internet koneksyon; at depektibong sistemang pangkatarungan.

Sa halip na ang pagkakaabalahan ay ang Charter Change, nananawagan kami na:

1. Tiyakin at isakatuparan ang Karapatan sa Sariling Pagpapasya at Lupaing Ninuno ng mga Non-Moro Indigenous Peoples sa loob ng BARMM at ang buong mga mamamayang Katutubo sa Mindanao at bansa ayon sa karapatang nakasaad sa IPRA at mga internasyonal na mekanismo;

2. Seguraduhin ng pamahalaang Pilipinas na magiging kapaki-pakinabang sa mga maralita at karaniwang Moro ang transisyon ng BARMM at ang mga serbisyo ay magtataguyod sa mga demokratikong karapatan at kapakanan ng nakararami;

3. Atupagin ang krisis sa pagkain, ekonomiya at kalikasan sa pamamagitan ng pagpasa ng mga batas at serbisyong magtatanggol at magsusulong sa kalikasan, karapatan at makabansang ekonomiya;

4. Pagbigay ng sapat na atensyon sa integridad ng soberenya ng bansa lalo na laban sa panghihimasok ng mga dayuhang bansa tulad ng Tsina at Amerika sa teritoryo ng Pilipinas.

5. Pagpapalakas ng lokal na ekonomiya, sahod at benepisyo ng mga mangagawa at oportunidad sa kabuhayan upang abot-kaya ang mamuhay at ang pangingibang-bansa ng mga manggagawa ay opsyon na lamang at hindi pangangailangan.

Nananawagan kami sa lahat ng mga Kilusang panlipunan at mga Mamamayan, magkaisang BIGUIN ang elitistang Charter Change na ito!

Bawiin ang mga PIRMA at ilantad ang mga anomalya sa pagkuha ng inyong mga lagda!

Kabuhayang may dignidad, Lupaing Ninuno, Tiyaking tunay na Ingklusibo at demokratiko ang transisyon ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao, Buwagin ang Dinastiya at Kartel, Isakatuparan ang Karapatang Pantao, Isulong ang Maka-Kalikasan at Makabansang Industriyalisasyon at Itigil na ang Pandarahas! Ito ang dapat na unahin at hindi ang Charter Change!

Soberenya ng Mamamayan HINDI Charter Change ng iilan!


Mindanao Peoples’ Peace Movement
Maguindanao - Cotabato Cluster
26 Pebrero 2024





Comments