IPAGDIWANG ANG KAGITINGAN NG KATUTUBONG KABATAANG KABABAIHAN

IPAGDIWANG ANG KAGITINGAN NG KATUTUBONG KABATAANG KABABAIHAN

Ngayong Araw ng Kagitingan, kilalanin natin ang mga magigiting na katutubong kabataang kababaihang nagtatanggol ng karapatang pantao.

Kaming mga miyembro ng KKPinay (Katutubong Kababaihang Pinay), kasama ng LILAK, ay sama-samang ipinagdiriwang ang angking kakayahan, katapangan, at kalakasan ng mga katutubong kabataang kababaihan.

Sa kabila ng kinahaharap na problema, nanatili kaming matatag na kumikilos at nakikibaka laban sa diskriminasyon, karahasan, at pagyurak ng karapatang pantao.

Patuloy kaming titindig laban sa pag-agaw at pagwasak ng lupaing ninuno at buong tapang na haharapin ang mga dambuhala at mapanirang korporasyon. Proprotektahan namin ang kalikasan at likas yaman, kasama na ang aming katutubong kultura, pamamaraan at pagkakakilanlan.

Sa isang lipunang patuloy na tinatabunan ang boses ng mga katutubo, kabataan, at kababaihan, lalo naming palalakasin ang aming mga tinig. Buong tapang naming haharapin at iwawaksi ang diskriminasyon at karahasan laban sa mga katutubo, kabataan, at kababaihan. Sama-sama kaming bubuo ng lipunan kung saan lahat ay malaya at pantay-pantay, ano man ang pagkakakilanlan, edad, kasarian, kapansanan, at katayuan sa buhay.

Sa kabila ng red-tagging, pagbabanta, o pananakot, patuloy kaming kikilos at mananawagan sa mga lider ng bansa–wakasan na ang early at forced marriage; gawing kalidad, abot-kaya, at angkop sa kulturang katutubo ang edukasyon; siguraduhing ang iba’t-ibang espasyo, lalo na ang komunidad at paraalan, ay ligtas mula sa diskriminasyon at karahasan; magpatupad ng tunay na pagbabago at ‘wag ang CHA-CHA ng iilan; at kilalanin ang karapatang pantao naming mga katutubong kabataang kababaihan.

Kami rin ay nanawagan sa lahat ng kapwa namin katutubong kabataang kababaihan, ‘wag na muling papayag na tayo ay maliitin at tawaging “katutubo lang”, “bata lang”, o “babae lang”.

Tayo ay katutubo, kabataan, at kababaihan–tagapagtanggol ng karapatan at kalikasan, at tagapanday ng pinapangarap na lipunan. Tayo ang kinabukasan.

Mabuhay ang mga katutubong kabataang kababaihan!

#DayOfValor
#ArawNgKagitingan



Para sa karagdagang impormasyon, i-contact ang sumusunod:

Abbygail Dupale
LILAK
0915 144 3907

Lhenlhen Morabong
Teduray, TLYSA
0928 101 0545

S0urce: https://www.facebook.com/photo/?fbid=799991405491509&set=a.615710813919570

Comments