Mga Bundok karugtong ng Pagkakilanlan at Kasaysayan ng mga Teduray at Lambangian

GËMAMBA ang tawag ng Téduray sa pag-akyat ng mga naniniwala at deboto sa sagradong bundok o sagradong malaking bato na may dalang agung. Maaring ito rin ang tawag sa Lambangian. Ito ang pinakamataas na porma ng ritwal ng pagsamba sa Tulus (Panginoon).

Isa sa mga sagradong bundok ay Uruk Léngkuos (bundok Lëngkuos) na matatagpuan sa Firis Complex. Dito sa bundok na ito namalagi si Lagëy Léngkuos (Lalaki sa Léngkuos) habang siya ay nakipaglaban sa mga mëginaléw (masamang espirito). Nakipaglaban siya sa kalupaan at kalawakan o alapaap. Dahil dito, tinaguriang.sagrado ang labanan (holy war).
 
Nanalo sii Lagëy Léngkuos sapagkat pinagpala at pinili ni Tulus (Panginoon) na binigyan ng kapangyarihan. Dahil dito, pinadalhan ng kapirasong puting lupa sI Lagëy Léngkuos sa pamamagitan ng mga Tëlaki (Mensahero ng Tulus o mga Anghell) upang kanilang sasakyan kasama ang mga tagasunod papunta sa Kaharian ng Tulus na dala-dala ang kanilang katawang lupa, tinatawag na Diat/Diyat.
 
Sa daraanan ng grupo ni Lagéy Léngkuos ay nakaabang si Malang Batunén na may kumukulong tubig sa malaking kawa. Nang dumating sI Lagëy Lëngkuos at kanyang grupo, pinigilan niya Ang sabi ni Malang Batunën, walang makadaan dito, lahat kayo ay ihuhulog sa kumukulong tubig na yan sa malaking kawa. Subalit, dahil nga makapangyarihan sI Lagéy Léngkuos na pinagkaloob ni Tulus, lumikha siya ng mga tao. Yon ang binigay nnya kay Malang Batunén. Sinabi ni Lagéy Léngkuos kay Malang Batunén, bago mo itapon ang mga taong iyan na hawak mo kung makalampas na kami.
 
Nang makalampas na ang grupo ni Lagéy Léngkuos, sinabihan nya si Malang Batunén na ihulog na ang mga taong hawak nya sa kumukulong tubig sa malaking kawa. Nang naihulog na sa kawa, laking gulat ni Malang Batunën dahil naging mga "ufâ" (niluluwa ng mga nagma-mama). Dahil dito, galit na galit sI Malang Batunén at sinabihan sI Lagéy Léngkuos na wala ng susunod sa kanya na makadaan sa kanyang teritoryo dahil nalinlang siya. Sinagot naman ni Lagéy Léngkuos ng ganito, "hindi ko na padadaanin dito ang susunod sa akin, sa bagong daanan ko na sila padaanin" (mantu néto kirémon).
 
Hanggang ngayon, wala ng ibang Téduray na direktang umakyat sa Kaharian ng Tulus na dala ang katawang lupa.
 
Maaring ang sinabi ni Lagéy Léngkuos na "bagong daan" ay kung malaya na ang Téduray at Lambangian mula sa diskriminasyon, pang-aapi, panunupil at kawalan ng hustisya ay parang nasa Kaharian na rin sila ng Tulus.
 
Isa pang sagradong bundok na kung saan sinasagawa ng Tëduray at Lambangian ang "GËMAMBA" ay ang Uruk Tawan-tawan (Pedro Colina Hill) sa Lungsod ng Kutabato, kung saan tumira si Mamalu at mga tagasunod nya noong nagkaiba silang sinusunod na kultura ni Tabunaway. SI Mamalu ay nanatili sa Katutubong kultura, samantalang SI Tabunaway ay tuluyang niyakap ang kulturang Muslim. Dito rin sa bundok na ito tumira sI F/Sgt. Mow I bago siya pumunta sa "Batéw" (Brown Stone sa Firis Complex,, tinaguriang sagradong malaking bato na kung saan kadalasan sinasagawa ng mga Téduray at Lambangian ang "Gëmamba. Dito sa lugar na ito nanirahan sI F/Sgt Mow I bago siya kinuha ng mga kapwa US Constabulary dahil lumiban ng walang paalam (AWOL) sapagkat nagprotesta sa ginagawa ng gbbyerno ng Amerikano sa tribu at kultura ng mga Téduray.at Lambangian.
 
Isa pang kinilala na sagradong bundok ay ang Uruk Balalaën na matatagpuan sa kasalukuyang Barangay Mompong, DOS, Maguindanao del Norte. Dito naman nanirahan sI Lagëy Sébotén bago siya "sirungén" . SIya ay "sénirung", ang ibig sabihin ay dito pa rin siya sa mundong ito, dangan nga lamang ay hindi natin makikita dahil nilagyan ni Tulus ng itim sa pagitan ng kéilawan (mga katauhan) at mundo ni Lagéy Sébotén.
 
Napakarami pang mga bundok ang sagrado at may sariling kasaysayan na dapat isagawa ang Gémamba, tulad ng Tuduk Mamut.
 
Dahil sa mga kwentong ito ng mga Ninuno, mahalaga sa amin ang mga bundok at buong kalikasan sa buhay naming mga Téduray at Lambangian.
 
KAYA AYAW NAMING IPAMINA ANG MGA KABUNDUKAN SAPAGKAT KARUGTONG NG AMING KASAYSAYAN NG PAGKATAO ANG MGA ITO
 
Titay Bleyen Santos Magay Unsad
4 Pebrero 2024
 
Source: Santos Magay Unsad FB
Photo: John Ented / Mt Firis Complex

Comments