Kambalingan Na! Pauwiin na Kami! - Marawi Siege IDPs (RMM)

Pahayag ng Reclaiming Marawi Movement sa ika-7 taong pag-alala sa Marawi siege.
#safeanddignifiedreturn
#pitongtaongbakwit
#KAMBALINGAN

Kambalingan Na! Pauwiin na Kami!

Pitong taon na mula ng naganap ang Marawi Siege ngunit nasaan ang mga Meranaw ng Marawi sa naganap na rehabilitasyon at ngayon sa isinasaawang proseso ng Marawi Compensation Board o MCB?

Hindi ba’t kundi home-based internally displaced ay nagkakasya sa mahirap na kalagayan ng mga permanent at temporary shelters – mga istruktura na pinatayo na hindi man lamang naka-ayon sa humanitarian standard? Masasabi ba natin na nakalapat sa kalagayan ng mamamayan ng Marawi ang programa kung ang mga residente ay hindi pa makabalik at tila hindi gusto pabalikin!

Kung tutuusin, isang bahagi lang ng usapin ng pagbibigay ng hustisya ang kompensasyon, pero di pa nga ito malubos, wala nang napag-uusapan na pagbibigay ng katarungan sa mga sinapit na rights violations ng mga mamamayan ng Marawi.

Ipinapakita ngayon na nasa krisis parin ang Marawi, malayong malayo sa dating kalagayan nito. Totoong may mga bagay na hindi na maibabalik, subalit kailangan na maibabalik at mabawi ang lupain at pagkakakilanlan ng mga Meranaw.

Aanhin ang mga magarbong mga gusali na pang-turista kung ang Meranaw – na nagbibigay ng dugo at laman sa syudad ng Marawi ay hindi pa makabangon ? Ito ba ang konsepto ng “build back better” kung saan para sa dayo at hindi sa mga residente ang lupaing ng Marawi. 


Bukod sa kompensasyon, ang kailangan ay pagkilala sa malawakang paglabag sa mga karapatan pantao at pagsasawalang bahala sa kapakanan ng mga naging biktima ng gyera at pagpapabaya at pagkakait sa mga bakwit ang nararapat sa kanila. Hindi kalabisan ang hinihingi ng mga bakwit, Ito ay nararapat at makatarungan. Huwag sana ihulog sa teknikal at legal lamang ang usapin sapagkat marami pang aspeto ang hindi sinasaklaw ng kasalukuyang batas. Imbes na ang mayaman kultura at kasaysayan ng Meranaw ang kinikilala at nililinang , ang ating napamamana sa mga susunod na Meranaw ay ang nagpapatuloy na kalagayan ng bakwit!

Panawagan naming na rebyuhin at repasuhin kung kinakailangan ang batas para sa kompensasyon lalo na ang nilalaman ng Implementing Rules and Regulation (IRR) upang tiyak na mailapat ito sa kalagayan ng mga bakwit na Meranaw.

Sigaw ng mga marawi IDPs Kambalingan! Katotohanan, Hustisya at Pagpapanagot! Lupain at Tahanan! Igiit at Ipaglaban! Meranaw Kami! Marawi Kami! Laban Hanggang Kambalingan!

Lupain at Tahanan
Igiit at Ilaban!

Reclaiming Marawi Movement, May 22, 2024

Source: https://www.facebook.com/photo/?fbid=447694661215942&set=a.237497315569012

Comments