Produksyon ng Organikong Repolyo - FDAT/MASIPAG

Dahil karaniwang maganda ang tubo ng repolyo sa mga lugar o panahong mayroong relatibong mababang temperatura, karaniwan itong itinatanim sa mga upland na erya. Angkop ito sa mga maraming bulubunduking komunidad sa Pilipinas subalit bihira ang nakapagtatanim at nakapagpapalaki nito nang hindi gumagamit ng pestesidyo.

Maliban sa mababang taba ng lupa, isa sa mga pangunahing hamon sa produksyon ng repolyo ay ang mga mapanirang insekto, na dahil sa populasyon at pinsalang idinudulot ay tinatawag na peste. Sa kasalukuyang panahon, nananatiling dominante ang agrikulturang nakabatay sa paggamit ng mga kemikal na input, dahilan upang maging pala-asa ang mga magsasaka sa paggamit nito bilang sagot sa mababang taba ng lupa at/o pagsulpot ng peste sa sakahan. Dala ng pagtaas ng acidity at pagkasira ng integridad ng lupa nagiging mas mahirap sa mga magsasaka ang pagpapatubo ng halaman, liban pa rito ay tumataas ang risgo ng pagguho ng lupa. 
 
Kaya naman, katulad ng iba pang mga upland na tanim, mahalagang napangangasiwaan ang produksyon ng repolyo sa organikong pamamaraan. Isa si Demetrio "Trio" Valdoria ng Tayabas, Quezon na nagsikap na makahanap ng mga likas-kayang solusyon sa hinaharap nitong mga hamon sa pagtatanim. Patuloy na nagpupursigi si 'tay Trio upang maimpluwensyahan ang mga kapwa magsasakang nakasasalamuha upang mag-convert sa organiko sa layong makalikha ng sapat at ligtas na pagkain sa pamilya at sa komunidad.
Halina at sabay-sabay nating matutunan ang organikong produksyon ng repolyo batay sa karanasan ni 'tay Trio! 
 
Paalala: Ang resultang nakalahad dito ay batay sa karanasan at obserbasyon ni 'tay Trio. Upang patibayin ang scientific basis sa likod nito, magsasagawa ng validation ang network sa pagtutulungan ng magsasaka at siyentista. Nagsisilbi ring isang porma ng validation ang adoption ng iba pang mga magsasaka ng inobasyong ito. 
 
[Ang post na ito ay bahagi ng serye ng Farmer Developed and Adapted Technology (FDAT) ng mga magsasakang MASIPAG mula sa PRAKSIS 2023, pambansang FDAT forum, na isinagawa noong Mayo 2023.]

Source: https://www.facebook.com/MASIPAGFarmers/posts/pfbid0oUyzgDbcAVQtC7dCTJyMH4e5UrDgrTckeVPdHNNaY4KKPZRNtuWtAmSWwgqcHR4dl

Comments