ICYMI: Nagtungo sa opisina ng Commission on Human Rights (CHR) ang pitong katutubong Molbog mula sa Bugsuk, Palawan kasama ang Pambansang Kilusan ng Magsasaka (PAKISAMA) nitong Setyembre 9 at 10, 2024.
Isinalaysay ng bawat isa sa ilalim ng sinumpaang salaysay o sworn statement ang iba't ibang anyo ng karahasang sangkot ang mga armadong pwersa na ipinadala ng San Miguel Corporation (SMC) sa isla ng Marihangin mula pa man noong Hunyo 29, 2024.
Kasama sa mga anyo ng karahasan ang pagtutok at pagpapaputok ng baril, sapilitang pagpapalayas sa kanilang lupang ninuno, at surveillance na lubhang nakaaapekto sa kanilang kabuhayan.
"Tinutukan kami ng baril, saka tinutumbok ng kahoy. Nakakalungkot lang din na ganoon ang sitwasyon namin," saad ng isang katutubo sa kanyang panayam.
Isa rin sa kanilang ikinababahala ang lumalalang pagmamatiyag sa kanilang komunidad sa pamamagitan ng mga drone sa kanilang area.
"Ewan ko anong purpose nila d'yan, sa mga drone na yan. Bakit gabi-gabi ginagawa nila 'yan?" pahayag pa ng isang katutubo.
"Sana itong ano...ang gusto ko sana, yung mga security d'yan, mapaalis na sila [dahil] wala pa ring action na mapaalis," dagdag pa niya.
Nananatili pa rin ang panawagan ng mga katutubo mula sa Bugsuk, Palawan para suportahan at makiisa sa laban kontra sa karahasan at pang-aatake ng SMC sa kanilang komunidad. Dagdag pa rito ang petisyon na ibalik ang desisyon ng Department of Agrarian Reform hinggil sa pagtanggal ng 10,821-ektaryang lupain sa Barangay Bugsuk at Pandanan, Bayan ng Balabac, Palawan mula sa saklaw ng programang reporma sa lupa.
Suportahan ang Balik Bugsuk Campaign! Sa aming mga katutubo ang aming lupang ninuno!
Bilang bahagi ng inyong pagsuporta, mangyaring pumirma sa petisyong ito:
https://www.change.org/.../pbbm-correct-a-historic-wrong...
---
Sa dagdag na mga impormasyon sundan sa: https://www.facebook.com/balikbugsuk
Comments
Post a Comment