VETO 2025 BUDGET! - Organizations

 

VETO 2025 BUDGET!

RESTORE PHILHEALTH AND OTHER GOVERNMENT SUBSIDIES FOR SOCIAL SERVICES!
PUNDO PARA SA SERBISYO HINDI SA POLITIKO!
 
Ang mga alyansang panlipunan, pangkalikasan, karapatang pantao, kapayapaan at sektoral ay kasama sa pambansang panawagan na I-VETO ng administrasyong Marcos Jr ang bicameral committee version ng National Expenditures Program o panukalang General Appropriations Act 2025! Kasama sa panawagang ito ay ang pagbalik sa kinaltas na pundo para sa PhilHealth at buong serbisyong pangkalusugan, edukasyon, mga unibersidad, pananaliksik, agrikultura at marami pang serbisyo panlipunan o mas pagbibigay prayoridad pa sa mga ito.
 
Ang pasyang bigyan ng zero subsidy o ang pagtanggal sa kabuohang P74.432 bilyong peso sa 2025 National Expenditures Plan (NEP) ng PhilHealth program bilang parusa sa ahensya ay hindi po solusyon sa mababang kalidad, depektibo at puno ng anomalyang serbisyo nito. Kung may dapat mang parusahan at ayusin, ito ay ang pamumuno ng Department of Health (Sec Ted Herbosa), Chief Executive Officer (Emmanuel Ledesma) ng PhilHealth, ang Board of Directors at ang hindi magandang sistema nito sa pagbibigay serbisyo sa mga myembro ng PhilHealth at sa buong mamamayan. Sila ang dapat na imbestigahan, tanggalin sa posisyon at kasuhan.
 
Hayagang kawalang pagmamahal sa mamamayan at mahihirap ang desisyong ito. Hayagan nitong nilabag ang Universal Health Care (UHC) Act ng 2018 at Konsitusyon ng Pilipinas 1987 na nagsasabing may pananagutan at responsibilidad ng Pamahalaan ang bigyang dekalidad at abot-kamay na serbisyo at kaseguruhang pangkalusugan. Paglabag din sa Konstitusyon ang hindi pagbigay ng sapat na pundo para sa Departamento ng Kalusugan sa 2025 National Budget kumpara sa ibang mga programang may bahid politika.
 
Hindi po pwedeng gawing dahilan ng mga mababatas o mismo ng mga opisyal ng PhilHealth ang “reserve funds” ng ahenysa dahil nakasaad din sa Universal Health Care Act na ang pundong ito ay gagamitin tanging sa serbisyong pangkalusugan lamang (RA 11223, Section 11 - Program Reserve Funds). Dalawa lang ang nakasaad sa batas - una, gamitin ang pundo sa pagpapalawak ng serbisyo, at ikalawa, pababain ang kontribusyon ng mga miyembro nito.
 
Ayon sa Philippine Institute for Development Studies, sa Mindanao ay marami pa ring hindi saklaw o covered ng PhilHealth, kung kaya ang reserbang pundong ito ay may paglalaanan na at kakailanganin din ito sa mga kasunod pa na mga pananagutan ng ahensya sa mga direkta at indirektang kontribyutors.
Hindi rin po sa kalusugan mapupunta ang tinanggal na pundo dahil kahit ang Department of Health ay kinaltasan din ng P25.8 bilyon, mula sa 273.7B ay naging 247.92B lamang at maging ang mga institusyong pangkalusugan o ospital na pagmamay-ari ng gobyernong Lung Center of the Philippines, National Kidney and Transplant Institute, Philippine Children’s Medical Center at Philippine Heart Center ay kinaltasan din. Pati ang mga ahensyang pampublikong serbisyo tulad ng DSWD, CHED, DA, DOLE, DOTr, at ang DepEd ay binigyan lamang ng pundong P737 bilyon, mababa ng P12 bilyon sa orihinal na isinumite. Ang State Colleges and Universities ay may P122 bilyon na may kaltas na P30 bilyon. At ang Science and Technology ay pinunduhan lamang ng P29 bilyon na malayo sa isinumiteng P49 bilyon.
 
Kasabay sa pagkaltas ng P74.432 bilyon sa PhilHealth ay dinagdagan naman ang mga panukalang pundo sa Unprogrammed Appropriations ng P373B, Department of Public Works and Highways (DPWH) ng P289B, House of Representatives ng P 17.325B, Department of National Defense ng P8.9B, at Office of the President ng P5.4B na nagkaroon ng 51.7% increase mula sa P10.4B na panukala ng mababang kapulungan. Ang mga tanggapan at serbisyong ito ang mga may malalim na isyu sa kurapsyon at paglabag sa karapatang pantao.
 
Habang ang mga temporaryong ayuda para sa pampolitikang interes partikular ang Ayuda sa Kapos ang Kita Program (AKAP) ni Speaker Martin Romualdez ay tumanggap ng P26-billion – P5 billion para sa mga Senador at P21 bilyon para sa mga Kongresista.
 
Ang panukalang 2025 General Appropriations na resulta ng bicameral committee ay nababalot ng anomalya at puno ng insertions hindi para sa serbisyo kundi pundo para sa mga politiko. Marapat lamang itong i-veto ng Pangulong Marcos Jr. Mas panaigin dapat ni PBBM ang responsibilidad nila na pandayin ang mga ayudang institusyonal at may legal na basehan, hindi ang mga ayudang kailangan pang magmalimos ang mamamayan sa mga Politiko. Marapat lang na papanagutin mga naglustay at umabuso sa pundo ng PhilHealth at iba pang pundo at serbisyo ng gobyerno! Marapat lang na Serbiysong Pangkalusugan at Panlipunan ay seguruhin at pinakamalaki sa 2025 Budget ng gobyerno!
 
18 Disyembre 2024 / Mindanao, Philippines
—------
- Alyansa ng mga Mamamayan para sa Karapatang Pantao (AMKP)
- Lanao Alliance of Human Rights Advocates (LAHRA)
- Kilusang Maralita sa Kanayunan (KILOS KA)
- LABAN Kababaihan!
- Liga ng Makabagong Kabataan (LMK)
- Alyansa ng Kabataang Mindanao para sa Kapayapaan (AKMK)
- Timuay Justice and Governance (TJG)

Comments