PAHAYAG NG PAGKONDENA: Sa Patuloy na Pagpatay at Kawalang-Hustisya sa mga Katutubong Pamayanan sa South Upi at Maguindanao Del Sur.
PAHAYAG NG PAGKONDENA
Sa Patuloy na Pagpatay at Kawalang-Hustisya sa mga Katutubong Pamayanan sa South Upi at Maguindanao Del Sur.
Lubos ang aming dalamhati at matinding pagkagalit sa sunod-sunod na karahasan laban sa mga Katutubo (Non-Moro Indigenous Peoples o NMIPs) sa South Upi, Maguindanao del Sur, at sa iba pang bahagi ng Bangsamoro.
Kahapon, Hulyo 25, 2025, muling nadungisan ang ating pamayanan sa pamamagitan ng isang marahas at walang pusong pananambang na kumitil sa buhay ni Ginoong Nickasio Tayas Mindo, isang iginagalang na magsasaka at dating Barangay Kagawad ng Pilar. Kasama niyang sugatan ang kanyang maybahay, si Ginang Jenelyn Mutia Gunsi Mindo, isang dedikadong guro sa Saramuray Elementary School. Ang pamamaril ay naganap sa gitna ng araw habang sila ay mapayapang bumibiyahe sa Sitio Lenan, Barangay Romongaob.
Hindi lamang ito pag-atake sa dalawang inosenteng sibilyan—ito rin ay tahasang paglapastangan sa kapayapaan, kaayusan, at dangal ng ating pamayanan na matagal nang ipinaglalaban.
Sa kasalukuyan, 29 na lider-katutubo ang napatay sa South Upi, at 93 naman sa buong Maguindanao del Sur at Maguindanao del Norte. Sa kabila ng ganitong bilang, ang hustisya ay nananatiling mailap. Ang mga salarin ay malaya, ang mga makapangyarihan ay hindi pinapanagot, at ang mga biktima ay tila ba nakalimutan na.
Nasaan ang hustisya?
Kung ang hustisya ay para lamang sa may pera at kapangyarihan, ito ba ay tunay na hustisya? Hanggang kailan tayo mananahimik sa harap ng mga karumal-dumal na krimen gaya ng pagpatay kay Vice Mayor Roldan Benito, isang kaso na hanggang ngayon ay wala pa ring linaw?
Panahon na para manindigan.
Nanawagan kami sa Sandatahang Lakas ng Pilipinas (AFP) at sa Pambansang Pulisya (PNP) na gampanan ang kanilang tungkulin nang patas at makatao. Hindi dapat natutulog ang batas. Ang seguridad at kapayapaan ay hindi dapat ipinagpapalit sa takot, pananakot, o pang-aabuso.
Hinihimok din namin ang bagong pamahalaang lokal ng South Upi na itigil na ang kulturang katiwalian, panagutin na ang may sala, ang pagsasamantala sa kaban ng bayan sa mga nakalipas na taon kapalit ng huwad na kapayapaan. Hindi dapat maging gatasan ang pamahalaan. Panahon na upang wakasan ang pang-aapi sa mga katutubo, ibalik ang hustisyang hindi nabibili, at ibalik ang tiwala ng mamamayan sa pamahalaan.
Ang mga kaso ng panggagahasa, pagpatay, pulitikal na paniniil, at pang-aagaw ng lupa ay dapat wakasan at papanagutin ang mga salarin, lalo na kung sila ay makapangyarihan.
Sa bagong administrasyon, dapat magbago ang takbo ng pamumuno. Dapat bigyang halaga ang tunay na serbisyo, hindi ang interes ng iilan. Dapat itaguyod ang karapatan ng mga katutubo sa lupaing ninuno, sa dignidad, at sa buhay.
Panawagan sa bawat katutubo:
Manindigan tayo. Tumindig para sa ating karapatan, para sa ating pamayanan, para sa ating kinabukasan. Hindi tayo istatistika. Tayo ay mga buhay na nararapat igalang, pangalagaan, at ipaglaban.
Itigil ang pagdanak ng dugo. Panagutin ang mga salarin. Wakas na sa pang-aapi. Hustisya para sa mga katutubo.
- Kabataang Tedurise
https://www.facebook.com/photo/?fbid=1164277425729077&set=a.465733558916804
Comments
Post a Comment