MIHANDS Humanitarian Mission sa DOS, Maguindanao p2

2 August 2024  
 
NANGAMBA man ngunit batid namin na masaya ang mga bakwet na lisanin ang napakahirap na kalagayan sa paaralang nagsilbing evacuation center ng ilang araw. Kahit walang kasegurohan sa kanilang kaligtasan at seguridad, ngunit buo ang kanilang loob na umuwi sa kani-kanilang lugar sa Barangay Mompong, Linek, Tinabon, Badak at Kusiong.

NAKANGITI dahil bago umuwi nadalhan pa namin sila ng mainit at malaman na arroz caldong luto ng aming kasamang volunteer rockstars na sina Toto Felipe at mga kasamahan sa Kusina Bayanihan. May mahigit 350 IDPs at mahigit sampu na evacuation camp management volunteers na galing sa host barangay ang nakabahagi at nagsalo-salo sa masarap na arroz caldo.
 
Matapos kumain, inumpisahan na ng MIHANDS volunteers ang pamimigay ng mga mumunting balot ng mga sardines, noodles, malong, preloved clothes for adults at brand new clothes for infant and kids. May 133 food packs, 57 non-food packs, 25 packs of infant clothes at 17 packs for 1 year-old ang aming naipamimigay.
 
Habang nakapila, pabulong ang tanong ng iilan sa kanila "kaibigan, wala bang bigas?".
Batid namin na maliban sa bala, bigas ang pangunahing inaalala nila pag-uwi. Ano ang kakainin para patuloy mabuhay.
 
Masakit sa kalooban namin na wala kaming dalang bigas na kahit ilang kilo man lang sana mapabaon sa kanila pag-uwi. Nagadepende lang din kasi kami sa nalikom na konting resources at donasyon. "Wala kaibigan eh, pasensya" sagot namin.
 
Ganun pa man, masaya pa din kaming nagpalitan ng mga taus-pusong pasasalamat bago naghiway.
Hindi pa man lumipas ang 24 oras ng aming paghihiwalay kahapon. May balitang lumikas na naman uli ang iilan sa mga pamilyang IDPs na umiiwas sa bala.
 
Nakakalungkot, nakakapagod, nakakagalit. Dasal namin na tigilan na nawa ng mga makapangyarihang may-ari sa mga baril at bala ang walang humpay na gyera at karahasan sa nasabing erya.
 
Maraming salamat sa mga donasyon:
 
- Fr. Ben Torreto at Parishioners ng Queen of Peace Parish
- ALCOTHANS
- Zena Bernardo Bernardo at Community Pantry PH
- TRIPOD Cotabato
- MTWRC
- KAAGAPAY OFWRSC
- MPPM
- ALTAHR
- Kusina Bayanihan
 
Sarilikha NHS Evacuation Center
31 July 2024

Comments