PAHAYAG HINGGIL SA MGA BANTA AT KAHARASANG NARARANASAN SA BAYAN NG SOUTH UPI, MAGUINDANAO DEL SUR, BARMM

 


Pahayag – Hunyo 2, 2025
PAHAYAG HINGGIL SA MGA BANTA AT KAHARASANG NARARANASAN SA BAYAN NG SOUTH UPI, MAGUINDANAO DEL SUR, BARMM
 
Kami sa Justice for Vice Mayor Roldan Benito Movement (JRBM) ay lubos na nababahala sa patuloy na serye ng mga pagbabanta at karahasang nagaganap sa bayan ng South Upi, Maguindanao del Sur. Ang isyung ito ay hindi na lamang lokal, kundi umabot na rin sa antas pambansa , kabilang ang mga Congressional Hearing mula 2023 hanggang 2025 at may direktang kaugnayan sa kalagayan ng mga katutubong mamamayan sa aming bayan.
 
Ayon sa mga ulat at datos, tinatayang 90 na Non-Moro Indigenous Peoples (NMIPs) ang napatay sa mga lalawigan ng Maguindanao del Sur, Maguindanao del Norte, at ilang bahagi ng Sultan Kudarat. Dalawampu’t pito (27) sa mga kasong ito ay naganap mismo sa South Upi, Maguindanao Del Sur, ito ang pinakamataas na bilang, kabilang na rito ang karumal-dumal na pagpaslang sa dating Bise Alkalde na si Roldan Benito at sa kanyang bodyguard na si Sherwin “Weng” Marcos. Kung tunay na maayos ang kapayapaan at kaayusan sa ating bayan, paano umabot sa ganitong dami ang bilang ng mga biktima?
 
Ang Katotohanan ay Hindi Maikukubli
 
Sa kabila ng matinding impluwensya ng pera at koneksyon, naniniwala kami na ang Sëgoyong Sëfëbënal , ang espiritu ng katarungan , ay hindi kayang bilhin. Lalabas at lalabas ang katotohanan.
 
Ang pagkamatay ni Vice Mayor Benito ay pilit iniuugnay sa isyu ng lupa. Ngunit sa aming pananaw, malinaw na ito ay bunga ng pulitika dahil sa malakas na suporta ng Bayan ng South Upi bago pa man ang eleksyon, upang pagtakpan ang katotohanan, ginagamit pa ang lokal na midya para palabasing “normal” lamang ang sitwasyon sa South Upi. Malinaw sa amin: ang pera ay kayang baguhin ang naratibo, baluktutin ang katotohanan, at patahimikin ang katotohanan.
 
Panawagan sa Media
 
Nanawagan kami sa mga miyembro ng media: maging patas, sensitibo, at makatao sa pagbabalita. Kapanayamin ang tunay na biktima, hindi lamang ang mga taong maaaring bayaran upang baliktarin ang katotohanan. Ilang beses na naming nasaksihan ang pagbabalita ng mali at bias na impormasyon, huwag na sanang madagdagan pa ito. Huwag kayong maging kasangkapan sa panlilinlang.
 
At higit sa lahat, igalang ang Free, Prior, and Informed Consent (FPIC)bago magsagawa ng anomang ulat hinggil sa mga isyung may kinalaman sa aming mga katutubong pamayanan.
 
Panawagan sa Kapwa Naming Katutubo
 
Sa aming mga kapatid na Teduray at Lambangian: huwag tayong magbulag-bulagan. Huwag nating hayaang tayo ay gamitin upang mag-away-away. Panindigan natin ang ating Fusaka Inged -ang lupaing ninuno — at ang ating karapatan sa pamumuno na kinikilala ng ating saligang batas. Huwag tayong pahintulutang patahimikin o linlangin ng salapi ang ating mga boses. Ang bayan ng South Upi ay atin at para sa mga tao na hangad lamang ay kapayapaan— bakit hindi tayo ang namumuno?
 
Paglilinaw sa Usapin ng Disqualification ni Mayor Helen Benito
 
Nais din naming ipabatid sa lahat ang patuloy na paninira at pagdiskwalipika laban kay Mayor Helen Benito, sa pamamagitan ng petisyong isinampa ng kabilang kampo. Ang signature campaign na pinakalat ay hindi fake news — ito ay bahagi ng plano upang hadlangan siyang makaupo. Kung tunay siyang nandaya, bakit siya lamang ang nanalo sa buong line-up niya? Sino nga ba ang may ginawang “magic” sa resulta ng halalan?
 
Hustisya para sa mga Biktima
 
Kami ay Peace-Loving People, ngunit kami ang patuloy na pinapatay, inaagawan ng lupa, at tinatanggalan ng boses. Hanggang kailan kami magiging biktima ng karahasan, panlilinlang, at pagpapalayas? Nasaan ang katarungan para sa mga pamilyang naulila? Kung hindi tayo kikilos ngayon, paano ang kinabukasan ng ating mga susunod na henerasyon?
 
Panawagan sa Pamahalaan
 
Kami ay nananawagan sa mga kinauukulang ahensya ng pamahalaan na agarang kumilos:
Magsagawa ng regular o buwanang pulong kasama ang mga Non-Moro Indigenous Peoples Leaders at mga ahensya gaya ng OPAPRU, NCIP, MIPA, CHR, BHRC, 6th Infantry Division Commander, at COMELEC (National at Regional offices).
 
Imbestigahan at panagutin ang mga kaso ng pamamaslang at pagbabanta sa mga NMIPs, lalo na tuwing panahon ng eleksyon.
 
Bigyang prayoridad ang proteksyon at seguridad ng mga lider at komunidad ng IPs na patuloy na humaharap sa panganib.
 
Pagtatapos
 
Sa mga Baglalan at Maginged, sa buong komunidad ng South Upi, gising na at manindigan na tayo. Ipaglaban natin ang ating karapatan sa sariling pagpapasya, pamumuno, at makatarungang pamumuhay sa sarili nating bayan.
 
Nawa’y ang Sëgoyong Sëfëbënal — ang Espiritu ng Katarungan — ay maghari sa ating Fusaka Ingëd.
 
JUSTICE FOR VICE MAYOR ROLDAN BENITO! JUSTICE FOR ALL NMIP VICTIMS!
JUSTICE FOR VICE MAYOR ROLDAN BENITO MOVEMENT (JRBM)
 
For further inquiry, please contact JRBM Media Liaison (09267543158
 
South Upi, Maguindanao del Sur

Comments