BAYANI o BAYAD NI?

BAYANI o BAYAD NI?

Ang paghahambing sa paggamit ng mga marangal na alyas ng ating mga bayani noon at sa paggamit ng mga katawa-tawang pekeng pangalan sa mga opisyal na dokumento ngayon ay hindi lamang isang tahasang insulto sa kasaysayan—isa itong sukdulang pagpapakita ng arogantismo, kawalang-hiyaan, at abusong walang-kasinghalintulad ng mga nasa kapangyarihan.

Matatandaang ang usapin ng impeachment laban sa Bise Presidente ay umiikot sa bulok na sistema ng maanomalyang paggamit ng confidential at intelligence funds ng kanyang tanggapan at maging sa pondo ng Department of Education (DepEd). Sa gitna ng mga imbestigasyon sa mga acknowledgment receipts at liquidation, lumitaw ang mga kahina-hinalang kathang-isip na pangalan na ngayo'y pinagkakaisang pinagbubulag-bulagan ng mga naghaharing-uri. Kabilang dito ang mga katawa-tawang bansag na hango sa brand o sitsirya tulad nina Mary Grace Piattos, Fernando Tempura, Carlos Miguel Oishi, Reymunda Jane Nova, at Chippy McDonald, gayundin ang mga palayaw na tulad nina "Pagong," "Pusa," "Belat," "Miggy Mango," "Jay Kamote," "Xiaome Ocho," at ang tinaguriang "Dodong Gang." Malinaw sa mga imbestigasyon ng Commission on Audit at Kongreso na ang mga ito ay walang birth o death records sa Philippine Statistics Authority (PSA)—mga multo sa dokumento na naisaisalang na ginamit lamang upang maglustay ng bilyun-bilyong pondo.

Subalit sa halip na harapin ang katotohanan at managot, todo-depensa naman ang ilang mga mambabatas at mga kaalyado sa politika—kabilang ang ilang mga Senador-Judges. Partikular ang isang Senator-Judge na kuno ay makabayan, ay buong-tapang na inihambing ang paggamit ng alyas ng mga bayani upang subukang bigyang-katwiran ang mga nasasalang na gawa-gawang pangalan para i-jusify ang inaalegahang paglustay sa kabang-bayan. Napakabigat na panlilinlang ito: ang mga alyas nina Dr. Jose Rizal (Laong Laan, Dimasalang), Marcelo H. del Pilar (Plaridel), Andres Bonifacio (Agapito Bagumbayan), at Emilio Jacinto (Dimas-Ilaw) ay ginamit para sa kaligtasan, kalayaan, at paggising sa nasyonalismo laban sa mabagsik na mananakop. Ang mga pekeng pangalan ngayon ay ginagamit upang magtago sa pagnanakaw at protektahan ang mga mandarambong.

Kaugnayan dito, ay ang lumalalang karahasan na kinakasangkutan ng mga kabataan at mag-aaral. Ito ay hindi kailanman simpleng epekto ng pagkahilig sa online gaming. Ito ay tuwirang bunga ng bulok na halimbawa at paulit-ulit na pagsasakatwiran ng paggamit ng pwersa, dahas, at maling impormasyon ng mga nasa poder upang iangat at ipagtanggol ang interes ng iilan. Katulad ng sistemang online grooming, sinasadya at sistematikong hinuhubog ng ilang seksyon ng lipunan ang kaisipan at naratibo ng kabataan upang maging bulag, marahas, di-makatuwiran, at sunud-sunuran sa kanilang dikta.

Kaya, hindi na sapat ang sektor ng edukasyon upang tulungang iangat ang kalidad ng karunungan sa ating mga kabataan. Ang mas masakit at mapait na katotohanan: maging ang mismong sektor ng edukasyon, pati na ang ilang seksyon ng mga kaguruan at mga tinaguriang "inteliectuals," ay nagiging kasangkapan na rin ngayon upang magtanggol at mag-justify sa mga pambabaluktot at pang-aabuso sa kapangyarihan. Ang mga inaasahang advocates at nagtuturo ng katotohanan ay siya pang nagiging spreaders at interpreters ng maling impormasyon, pati na ang sadyang binaluktot na naratibo at konteksto ng kasaysayan.

Hindi ito malulunasan sa simpleng pagpapalaki ng pondo, pakikialam ng pamilya, o pagkilos ng mga advocates. Sadyang ang buong kultura ng lipunan, ang mga nakakalason na naratibo mula sa bibig ng mga may kapangyarihan, at ang buong bulok na pampolitika at pang-ekonomiyang istruktura ang kailangang baguhin. At ginagamit nila ang online at ang popular na negatibong naratibong makabayan upang manlinlang. Habang ang mga may hawak ng trono at posisyon—kabuuan ng mga nagpapakasarap sa sistema—ang nagdidikta kung ano ang tama at nagtatanggol sa mga kabaluktutan, patuloy na bubulusok pababa ang kamulatan at magiging bihag ng karahasan ang buong lipunan.

Ngunit sa kabila ng ganitong kadiliman, may naninindigan. Tulad ng mga bayani na lumaban at umalpas sa gapos ng panunupil, may hanay sa lipunan na nananatiling kritikal at matatag. Sila ang mga taong hindi kailanman gumagamit ng alyas, hindi na-justify ng pagnanakaw sa kaban ng bayan, hindi tinatakpan ang mga sangkot sa korapsyon, at hinding-hindi nagsakatuwiran sa mga kriminal sa pamahalaan.

Ang internet ay isang simpleng daluyan lamang ng impormasyon; ang tunay na salot ay ang mga utak-pusakal, mga ganid, at mga kapit-tuko sa kapangyraihan, na nagpapakalat at nagbibigay-katwiran sa kasinungalingan upang pagtakpan ang kanilang mga kasalanan at baguhin ang kasaysayan.

Ngayong Araw ng mga Bayani (Agosto 31), ang pagtatanggol sa kaban ng bayan at sa kaisipan ng kabataan ay kasama sa ating mga pangunahing digma laban sa mga nagpapanggap.

Ang ating mga kasama sa laban na mga bayani, ay silang karaniwang mamamayan—ang mga tinipid at ginipit na manggagawa sa iba't ibang larangan, mga maliliit na nagtitinda, working students at kabataan, mga kritikal na guro at malalakisik, mga para sa katotohanang eksperto, mga magsasaka at mangingisda, mga katutubong buong-tapang na nagtatanggol sa kanilang lupaing ninuno, ang mga mamamayang Bangsamoro na nais lumahok nang malaya sa halalan, nilulupig ngunit palaban na mga Kababaihan at LGBTQIA, ang mga mamamayang lumalaban sa araw-araw nang may dangal at patas, ang mga manananggol para sa kalikasan at karapatang pantao, ang mga taong-Simbahang makabayan, at ang mga OFWs. Walang alyas!

Wakasan ang paghahari ng mga mapagpanggap na credentialists at revisionists na naglulublob sa kapangyarihan habang nilulupig ang bayan.

 

Comments